QR-kode
Roberto Añonuevo's avatar

Roberto Añonuevo

Republika ng Filipinas

Si Roberto T. Añonuevo ay makatà, tagasalin, editor, at dáting Direktor Heneral ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Kabilang sa kaniyang mga aklat ng tula ang Kriptograpikong Krokis (2023), Alimpuyo sa Takipsilim (2012), Liyab sa Alaala (2004), Pagsiping sa Lupain (2000), at Paghipo sa Matang-Tubig (1993), at Mga Yugto at Sandalin (2024). Siya rin ang awtor ng Filipino sa Dominyo ng Kapangyarihan (2013) na kritika hinggil sa kung paano ginagamit at tinatanaw ang wikang Filipino sa iba’t ibang panahon. Kabilang sa kaniyang mga aklat ng salin ang Mga Salita at Larangan: Isang Pagninilay sa Tula (Words and Battlefields: A Theoria on the Poem ni Cirilo F. Bautista, inihahandang maisaaklat), Kontra-Prosa (2018); Karagatan ni Gaudi: Ang Kuwento ng Dakilang Pawikan (1994) ni Tajima Shinji; Mga Kuwento sa Kasaysayan (2003) ni Carmen Guerrero Nakpil; Pacman: Kuwento ng Pag-asa, Tiyaga at Determinasyon (2011) ni Manny Pacquiao; Sentimiento/Salamisim (1995) ni Gemma Guerrero Cruz, Walang pagpatay na Agham Pampolitikang Pandaigdig (2007), ni Glenn D. Paige, atbp. Nagsalin din siya sa iba pang larang, gaya ng agham kompiyuter, batas, ekolohiya, pelikula, pilosopiya, at sikolohiya. Ngunit pinakamatindi sa lahat ang pagsasalin niya ng iba’t ibang tekstong pampanitikan mula sa mga batikang internasyonal na awtor, na matutunghayan sa kaniyang blog na alimbukad.com (dakilapinoy.wordpress.com), na dinalaw ng mahigit 4 milyong ulit ng mga pihikang mambabasa mula sa iba’t ibang bansa. Nakapag-edit na siya ng mahigit 40 aklat pampanitikan na nilapatan ng mga mapanuring introduksiyon, at kabilang dito ang mga akda ng gaya kina Iñigo Ed. Regalado, Florentino T. Collantes, Faustino Aguilar, Ildefonso Santos, Gerardo Chanco, Servando de los Angeles, Lazaro Francisco, Manuel Principe Bautista, David T. Mamaril, Bienvenido A. Ramos, Benjamin Pascual, Benigo R. Juan, Jaroslav Seifert, at Mike L. Bigornia, bukod sa naging utak sa likod ng dáting WikiFilipino, na nagsulong sa ikalalago ng wikang pambansa sa Internet, at naging kabalikat ng yumaong Esther Pacheco sa pagpapalakas ng Seryeng Pampanitikan ng Ateneo de Manila University Press. Kabilang din siyang utak sa pagsusulong ng modernong ortograpiyang Filipino, sa loob at labas ng KWF, at nagpanukala ng mga pagbabago na ngayon ay mahalagang ambag sa pagpapalago ng korpus ng Filipino. Kabilang sa kaniyang tinamong parangal ang SEAWrite Award sa Thailand, Hall of Fame sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, Patnubay ng Sining at Kalinangan mula sa Lungsod Maynila, National Book Award ng Manila Critics Circle, Sawikaan Grand Prize, Gawad Komisyon sa Wikang Filipino para sa Wika at Panitikan, at sangkaterbang gawad pagkilala mula sa iba’t ibang institusyon sa Filipinas.